Nanloob sa Greenbelt 5 kinilala
MANILA, Philippines - Nakilala na ng pulisya ang apat na holdaper na nanloob sa Rolex store sa loob ng Greenbelt 5 Mall sa Makati City noong Linggo ng tanghali.
Ito ay matapos na positibong ituro ng mga testigo ang kanilang larawan na kuha ng close circuit television (CCTV).
Nabatid kay Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Jaime Calungsod, napag-alaman na pinangunahan ni Alvin Flores na kilala sa alyases nito na “Bunso” “Lester” at Engineer Dave Maceda ang panloloob sa Greenbelt, kasama ang kanyang grupo na kabilang sa mga nalalabing miyembro ng Waray-Waray gang.
Kinilala pa rin ang mga suspek na sina Roland dela Cruz; Walter Mutia at ang napaslang na si Armando Domingo na positibong kinilala naman ng kanyang tiyahin bagama’t nananatili pa rin sa Veronica Funeral Homes sa Pasay City.
Sinabi ni Calungsod na ang isa sa mga sasakyang ginamit ng mga suspek na Toyota Corolla na may plakang XCR-613 ay unang nakarehistro sa isang Antonio Miguel ng Alcon Laboratory Philippines bago inilipat sa isang Joselito de Leon ng Gagalangin, Tondo noong Agosto 3, 2007.
Muling nailipat sa isang Jessyl Tanuecos ang pag-aari ng nasabing sasakyan noong Oktubre 21,2007 hanggang noong Enero 25, 2009 ay binili ito ng isang Marlon de Silva.
Kumpiyansa rin si Calungsod na malaki ang maitutulong ng P.5 milyong inilaang pabuya ng Philippine National Police (PNP) sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ni Alvin Flores. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending