MANILA, Philippines - Hinoldap na kinatay pa ang isang tsuper matapos matagpuan ang bangkay nito mismo sa loob ng pinapasada nitong taxi kahapon ng umaga sa Makati City. Kinilala ang biktima sa pangalang Moymoy Calamba, 35, ng Muzon, Marilao, Bulacan, nagtamo ito ng tadtad na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, blanko pa ang pulisya hinggil sa mga suspek na pumatay at humoldap sa nabanggit na biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng umaga nang datnan ng mga kagawad ng Police Community Precinct 4 ang bangkay ng biktima mismo sa pinapasada nitong GSMJ taxi (PYA-148) sa Yulo St., Brgy. Pio del Pilar. Ayon sa pulisya, hindi agad nakilala ang bangkay ng biktima dahil tinangay ng mga holdaper ang lahat ng kanyang kinitang salapi, cellphone at ID bago iniwan ang bangkay sa likurang bahagi ng minamaneho niyang taxi. Kung saan nakilala lamang ang biktima nang magtungo sa PCP-4 ang kanyang operator na si Ceril Sta. Maria matapos mabatid ang nangyaring krimen. (Lordeth Bonilla)