Holdaper ng nurse, kinasuhan
MANILA, Philippines - Isinailalim na sa inquest proceedings sa Manila Prosecutor’s Office sa kasong robbery with homicide ang isa sa dalawang suspek na naging dahilan ng pagkamatay ng 24-anyos na nurse, sa España,Sampaloc, Maynila, noong Martes ng gabi.
Walang piyansang inirekomenda ang piskalya para sa suspek na si Stanley Buenamer, 27, miyembro ng “Bahala na Gang” at residente ng Montana St., Sampaloc. Mariin umanong itinanggi ng suspek na sinapak niya ang biktima subalit umamin na itinulak niya si Ferrarie Tan, binata, empleyado ng Ospital ng Makati, at residente ng B.M.A. Ave., Brgy. Ta talon, Quezon City upang hindi umano makahabol sa kanila ng isa pang suspek na si Jerome Lambada.
Nabatid na si Lambada naman ay nasa kostudiya pa ng Laloma Police Station, (QCPD-station 1) nang masakote nila ito habang tinutugis din ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).
Una nang napaulat ang nasabing holdapan kung saan inagawan ng dalawang plastic bag ang biktima at iba pang pasahero subalit hinabol umano ng biktima ang mga suspek at nang sumabit sa jeep ay sinapak ito ng suspect kaya bumagsak ng padapa sa kalye hanggang sa masagasaan ng paparating na jeep. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending