Pagbebenta ng police at military uniform higpitan
MANILA, Philippines - Iginiit ni Makati Mayor Jejomar Binay sa Philippine National Police (PNP) na nararapat na gumawa na ito ng aksyon upang mahigpitan ang pagbebenta at pagkalat ng mga uniporme ng PNP at AFP na ginagamit ng mga sindikato sa kanilang pagsalakay sa malalaking establisimiyento tulad ng naganap sa Greenbelt 5 kamakailan.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit ang mga kriminal ng police at military uniforms. Pero hanggang ngayon, hindi pa gumagawa ng hakbang mga awtoridad sa paghihigpit sa pagbebenta at pagsusuot nito ng ordinaryong publiko,” ayon kay Binay.
Lubhang nakakaalarma na umano ang paulit-ulit na pagsalakay ng malalaking armadong grupo na lalo pang mistulang naghahamon sa pulisya dahil sa pagsalakay sa gitna ng araw at sa mga matataong lugar.
Aminado rin si Binay na nagkaroon ng pagkukulang sa pagkalap ng impormasyon ang kanyang lokal na pulisya sa pangunguna ni Sr. Supt. Cedric Train kaya’t kanya itong pupulungin upang palakasin ang “intelligence gathering” at koordinasyon sa mga malalaking kumpanya sa lungsod. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending