MANILA, Philippines - Nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) laban sa pagbili ng ‘recycled’ kendi at iba pang kauri nito na ibinebenta ng baratilyo o por kilo dahil sa posibilidad na makasama ito ng kalusugan.
Ito ang naging reaksyon ni Health Secretary Francisco Duque III sa napaulat na pagre-recycle ng isang junkshop sa Capulong St., Tondo, Maynila nang santambak na kendi, na sinasabing galing sa mga binahang malls at mga supermarket sa pananalasa nina Ondoy at Pepeng.
Nabatid sa ulat na ang sinalakay na bodega ng isang junk shop ay pumapakyaw ng iba’t ibang uri ng kendi mula sa binahang mga tindahan. Doon umano ito muling nililinis at nire-repack bago ibinebenta por kilo sa murang halaga sa wet market o sidewalk.
Mas malaki umano ang posibilidad na hindi na ligtas kainin ang mga kendi dahil pawang putikan at ilang araw na nalublob sa tubig-baha. Kung kontaminado na umano ng bakterya at mikrobyo ay posibleng makakuha ng sakit tulad ng diarrhea. (Ludy Bermudo at Doris Franche)