MANILA, Philippines - Matapos ang dalawang buwang imbestigasyon, naaresto rin ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang babae na isa sa suspek na pumaslang sa isang opisyal ng isang call center na natagpuan ang bangkay sa loob ng kotse nito sa Valenzuela City noong Agosto.
Nakilala ang naarestong suspek na si Geralyn Galinea, 27, empleyado ng Manila City Hall at naninirahan sa Tondo, Maynila. Pinaghahanap naman ang kanyang mister na si Lucky Galinea.
Ang mga ito ang itinuturong pumaslang sa biktimang nakilalang si Antonio Ma. Mendoza Tan Jr. na narekober ang bangkay sa loob ng kanyang pulang Toyota Vios (XKS-838) noong Agosto 10, 2009.
Nabatid sa ulat na dinakip si Galinea sa Tayuman, Maynila kamakalawa sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Danilo Manalastas ng Branch 7 Malolos Regional Trial Court sa Bulacan.
Base sa imbestigasyon, naganap ang pamamaslang sa biktima sa isang lugar sa Malolos City, Bulacan matapos na imbitahan ng mag-asawang Galinea si Tan sa isang inuman at upang bayaran ang kanilang malaking pagkakautang. Nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang biktima na hinihinalang kagagawan ng mag-asawang suspek.
Matapos ang pamamaslang, isinakay ng mga suspek ang bangkay ni Tan sa kotse nito at iniwan sa McArthur Highway sa Marulas, Valenzuela City.
Isinailalim naman sa masusing imbestigasyon ang kaso kung saan natukoy ang mag-asawa buhat sa ilang testigo na huling kasama ng biktima at nakita ang motibo ng pagkakautang ng mga ito na maaaring dahilan ng pamamaslang. (Danilo Garcia)