MANILA, Philippines - Nagdulot ng tensiyon sa Manila Police District (MPD) headquarters ang hostage-taking drill kahapon ng hapon, nang maging makatotohanan ang pagsabog ng ibinatong flash bomb sa gumanap na hostage-takers, kung saan anim na pulis ang sugatan habang nawasak naman ang halos lahat ng mga bintana ng training room sa U.N, Avenue, Ermita, Maynila.
Ito’y dahil sa ginanap na Annual General Inspection/Operation Readiness Security Inspection Test and Evaluation ng mga opisyal ng PNP sa Camp Crame sa mga kagawad ng MPD, sa loob ng Manila Police Academy (MPA) building, sa loob ng headquarters. Tumanggi namang pangalanan ang mga sugatang biktima, na pawang minor lamang ang injuries.
Nilinaw naman ni MPD-director Rodolfo Magtibay na improvised bomb lamang ang ginamit sa drill at naging malakas lamang ang impact dahil pawang nakasarado ang salaming bintana ng nagsilbing training room o ang bahagi ng aplayan ng police clearance. (Ludy Bermudo)