MANILA, Philippines - Inilabas na ng pamunuan ng Quezon City Police ang artist sketch ng tatlong kalalakihang responsable sa pamamaril sa tahanan ni Social Security System President Romulo Neri kamakailan sa nasabing lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Benjamin Elenzano, hepe ng homicide section ng QCPD, nabuo ito base sa testimonya ng mga pangunahing testigo na nakasalamuha ng mga suspek bago pa maganap ang pamamaril sa tahanan ng nasabing kalihim.
Partikular anya dito, ang mga driver ng dalawang Hyundai van na ginamit ng mga suspek na get away car bago planuhin ang nasabing krimen.
Nauna rito, sinabi ng pulisya na ang driver ng sinakyang van ng mga suspek ang pangunahing susi para matukoy ang utak sa krimen kaya naman, ayon kay Elenzano, magiging matibay ang kanilang pagsisiyasat lalo ngayon hawak na nila ang mga ito.
Sabado ng lumutang sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD sa Camp Karingal ang isang driver ng Hyundai na ginamit ng mga suspek kung saan inamin nito na inagaw sa kanya ng grupo ang mi namanehong sasakyan matapos na kunwaring arkilahin patungo sa Maynila, ngunit pagsapit sa La Loma, Quezon City ay bigla na lang siyang tinutukan ng baril at piniringan ang mga mata saka itinali ang mga kamay at dinala sa isang safehouse sa Pampanga.
Kasunod nito, ang isang driver din ng Hyundai na sumuko din sa nasabing himpilan na nagsabing pinara siya ng mga suspek sa Bacolor Pampanga at tulad ng unang driver ay piniringan din ang mga mata nito at itinali ang mga kamay saka dinala sa isang safehouse.
Matapos ang isang oras ay binalikan siya at isinakay sa isang sasakyan saka dinala sa Guagua Pampanga kung saan siya iniwan ng mga suspek.
Ayon pa kay Elenzano, nabatid lamang ng mga naturang driver na ginamit sa insidente ng pamamaril ang kanilang sasakyan nang mabasa nila ito sa mga pahayagan kung kaya kusa na rin silang nagtungo sa nasabing himpilan.
Dagdag ng opisyal, pawang magkakaibang safehouse ang pinagdalhan sa mga driver dahil halos hindi tugma ang deskripsyon ng mga ito sa nasabing lugar.
Sinasabing isa sa mga suspek na nagpakilalang alyas Robert Ramo ang sinasabing nagrenta ng bahay para gawing pansamantalang tirahan ng mga ito kung saan nagbigay ito ng downpayment na halagang P105,000.
Una ng inatake ng mga di kilalang suspek ang bahay ni Neri sa #28 Palani St., Brgy. Sienna, Sta. Mesa Heights, nang paulanan ito ng bala, masuwerte namang walang nasaktan sa insidente.
Kasunod nito, binigyan naman ng karagradang pulis ng QCPD ang tahanan ni Neri para sa security nito.