Taiwanese nasagip: 7 kidnappers todas
MANILA, Philippines - Patay ang pitong ’y notoryus na miyembro ng Waray-Waray kidnap for ransom gang habang nasagip ang isang negosyanteng babaeng Taiwanese sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) sa Maynila at Valenzuela City kahapon ng madaling- araw.
Tatlo sa mga suspek ang nakilalang sina Ernesto Nueva, 42, ng Pasig City, Norberto Amora, 47, ng Cainta, Rizal at isang hindi nakilalang lalaki na tinatayang edad 45-50 anyos, may tattoo ng mukha ng babae sa kanang balikat at nakasulat na Mary Jane.
Nasagip naman sa follow-up operations sa San Jose del Monte City, Bulacan ang kidnap victim na si Margaret Kao na inabandona ng mga suspect sa kanilang safehouse sa Royal subdivision sa Brgy. Sto. Cristo, San Jose del Monte City, Bulacan.
Sinabi ni PACER Chief Sr. Supt. Isagani Nerez na si Kao ay kinidnap ng mga suspect sa bahay nito sa Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City noong Huwebes ng umaga.
Una rito, nasundan ng ISAFP operatives ang Toyota Innova (ZTY-158) na ginamit ng mga suspek sa pagkolekta ng P3 milyong ransom para mapalaya ang biktima.
Ang nasabing Innova kasama ang kulay itim na Mitsubishi Galant Sedan (XBV-606) ni Kao ay nakitang nakaparada sa nasabing subdivision at dalawang behikulo ang nakitang umalis matapos ang 30 minuto.
Ayon kay Nerez, sinundan ng mga operatiba ang dalawang behikulo hanggang sa makarating ito sa Gen. Luis sa Valenzuela City dakong ala-1:45 ng madaling araw.
Naglatag ng checkpoint ang ISAFP at PACER kasama ang mga miyembro ng Valenzuela City Police subali’t sa halip na huminto ay pinahagibis ng mga suspect ang kanilang sinasakyang behikulo na nauwi sa habulan at shootout.
Nakorner ang Innova sa C5 Road habang ang Mitsubishi Galant ay humarurot upang takasan ang mga awtoridad na tumahak patungo sa North Avenue.
Agad na pinaputukan ng mga suspect ang mga awtoridad na nagresulta sa palitan ng putok na tumagal ng tatlong minuto at pagkakapatay sa tatlo pang mga suspect sa loob ng van.
Hinalughog ng mga operatiba ang van at nabawi mula rito ang P3M ransom ng pamilya Kao na nakasilid sa dalawang plastic bags, isang mobile phone, dalawang caliber. 38 revolvers at isang cal. 22 revolver.
Bandang alas-3:15 naman ng madaling-araw nang maispatan ang Mitsubishi Galant na humahagibis sa kahabaan ng Blumentritt St. sa lungsod ng Maynila patungo sa direksyon ng Plaza Lacson.
Sinabi ni Nerez na nang makita ang checkpoint sa paanan ng Quezon Bridge ay tumahak ang mga suspect sa Muelle del Rente St. hanggang sa makorner ang mga ito na nakipagbarilan sa mga tumutugis na operatiba.
Nagkaroon ng 10 minutong putukan kung saan pawang dead-on-the-spot ang tatlong suspect habang ang isa pa ay idineklara namang dead on arrival sa pagamutan.
Narekober naman sa loob ng sasakyan ng mga suspect ang isang cal. 45 pistol, isang cal. 38 revolver at isang carbine rifle. (Dagdag ulat nina Gemma Garcia, Doris Franche, Boy Cruz at Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending