10 rugby boys timbog sa kotong
MANILA, Philippines - Sampung mga “rugby boys” na pawang mga menor-de-edad ang pinagdadampot ng pulisya dahil sa pangongotong umano sa mga batang mag-aaral ng isang paaralan sa Muntinlupa City na ginawang evacuation center.
Nakipag-ugnayan na si Muntinlupa police chief, Sr. Supt. Elmer Jamias sa lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang i-turn-over ang mga kabataan na itinago ang pagkakakilanlan at nasa pagitan ng edad na 14-15 anyos.
Sa salaysay ng mga magulang ng mga batang mag-aaral ng Alabang Elementary School, inaabangan umano ng mga binatilyo ang kanilang mga anak sa loob ng palikuran ng naturang paaralan at saka sapilitang kinukuha ang kanilang mga pitaka, pera at iba pang mahahalagang gamit kasabay ng pananakot na sasaktan kapag nagsumbong.
Nabatid pa na wala ring humpay sa pagsinghot ng rugby sa loob ng paaralan ang naturang mga kabataan na inilikas sa kanilang mga tahanan makaraang bahain ang kanilang mga lugar.
Agad na ipinaalam naman ng mga magulang ang insidente sa punongguro na si Dr. Emilia Alvarez na nakipag-ugnayan sa pulisya sanhi sa pagkakadampot sa mga kabataan. Sumbong pa ng mga magulang, nagkaroon na ng takot o phobia ang kanilang mga anak na pumasok sa paaralan dahil sa mga rugby boys.
Dahil dito, binigyan na ng ultimatum ng pamunuan ng paaralan at ng mga opisyal ng barangay ang mga evacuees na bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan ngunit nagmamatigas naman ang mga ito. Ikinatwiran ng mga ito na mas madali silang mamamatay kapag bumalik sa kanilang mga lubog pa ring bahay dahil sa wala namang relief goods na makakarating sa kanila doon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending















