Hati na katawan ng ex-convict natagpuan
MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang kamatayang sinapit ng isang dating preso ng National Bilibid Prisons (NBP) nang madiskubre ang bangkay nito na hinati sa dalawa, kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.
Halos maubos na umano ang lamang-loob ng biktima na inisyal na nakilala na si Federico Abrazaldo, nang papakin ng napakalalaking mga daga ang katawan nito.
Sa inisyal na ulat, nadiskubre ng isang nakilala lamang na Rene ang bangkay dakong alas-6 ng umaga sa madamong bahagi ng NBP Reservation.
Ayon sa ulat, hinati ang katawan ng biktima ng mga hindi pa nakikilalang salarin na pinagpiyestahan naman ng mga daga at iba pang insekto.
Blangko naman ang pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa wala silang makuhang saksi sa naturang krimen.
Nabatid na dating nakulong sa NBP ang biktima at nang makalaya ay sa Camp Bukang Liwayway NBP Reservation na ito nanirahan tulad ng ibang dating preso na wala nang mababalikang tahanan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending














