Kaugnay sa Batasan Bombing: Pag-aresto kay Salappudin, giit ng DOJ
MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng Department of Justice (DOJ) sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) na magpalabas ng warrant of arrest laban sa umano’y utak ng Batasan bombing na si dating Congressman Gerry Salappudin.
Base sa kahilingan ni Senior State Prosecutor Peter Ong, na wala siyang nakikitang sagabal upang ipag-utos ni QCRTC Branch 83 Judge Ralph Lee ang pag- aresto kay Salappudin kaugnay sa pambobomba sa Batasan complex noong Nobyembre 20, 2007.
Matatandaan na una nang binawi ng QCRTC ang warrant of arrest na kanilang ipinalabas noong nakaraan taon dahil sa umano’y may nakabimbin na “findings” si dating Justice Secretary Raul Gonzalez na hindi kasama ang dating kongresista.
Subalit inapela nila ang kaso sa Court of Appeals (CA) na kumukuwestiyon sa kautusan ni Gonzalez. Dahil dito kayat iniutos ng CA noong Agosto 2008 na isama si Salappudin bilang respondent sa kaso.
Magugunita na anim katao ang namatay sa Batasan bombing kabilang dito si Basilan Rep. Wahab Akbar, namatay din sina Julasiri Niki Huyudini, staff nito, Marcial Taldo, driver ng Gabriela Representative Luzviminda Ilagan; Vercita Garcia; Dennis Manila at Maan Gale Bustalino, pawang mga staff ni Negros Oriental Representative Henry Pryde Teves.
Nasugatan din sina Teves at Ilagan at 10 iba pang empleyado ng House of Representatives.
Kinatigan naman ng CA Third Division ang petisyon ng biyuda ni Akbar, na si Basilan Governor Jum Akbar na ipawalang-saysay at isantabi ang naunang resolusyon ni Gonzalez na alisin bilang respondent si Salappudin base sa supplemental findings ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuño. (Gemma Amargo-Garcia at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending