MANILA, Philippines - Muli na namang naging eksena sa pelikula ang isang tower sa lungsod Quezon matapos na bulabugin ng isang lalaking pipi at bingi ang mga commutters at mga motorista nang umakyat ito sa tuktok ng isang tower para umano magpakamatay kahapon ng madaling-araw.
Matapos ang halos ilang minutong makapigil hiningang negosasyon, sumuko sa awtoridad ang nagtangkang magpakamatay na si Ronnel Villacarlos, 25, ng Banahaw St., Brgy. San Martin de Porres sa lungsod matapos itong umakyat sa Symphony Tower na nasa Sgt. Esguerra St., corner Timog Avenue, Brgy. South Triangle dito para tumalon dahil umano sa labis na problema.
Ayon kay Supt. Jesus Balingasa, hepe ng Station 10 ng Quezon City Police, pasado alas-3 ng madaling-araw nang pumanik sa nasabing tower ang suspek at nagsimulang pumorma dito na akmang tatalon.
Sa pamamagitan ng senyas, sinabi ng suspek na kaya siya umakyat sa tower ay dahil nangungulila siya sa kanyang pamilya na nabiktima ng pagkalunod noong rumagasa ang nakaraang bagyo. Subalit, sa pagsisiyasat ng tropa ni Balingasa sa mga nakakilala sa suspek, wala naman daw itong pamilya at lasing lamang ito ng huli nilang nakita.
Naniniwala naman ang awtoridad na dala ng kalasingan kung kaya pumanik ang suspek sa tower. (Ricky Tulipat)