Binabantayang condo, sinalakay ng 7 armado: 2 sekyu sugatan
MANILA, Philippines - Dalawang security guard ang nasugatan matapos na pasukin ng mga armadong kalalakihan ang binabantayan ng mga itong condominium sa lungsod Quezon kamakalawa.
Nakilala ang mga sugatan na sina Rogelio Abaga, 35, ng Blk. 27, Lot 2 Kingstown Subd., Caloocan City at Jose Caballero, 30, kapwa stay-in security guard sa Millenium Bldg. Mindanao Avenue kanto ng Road 20, Brgy. Bahay Toro ng nabanggit na lungsod.
Tinutugis naman ng mga awtoridad ang mga suspek kung saan nakilala ang isa na si Pablo Serrat.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa Millenium Building kanto ng Mindanao Avenue at Road 20, Brgy. Bahay Toro, sa lungsod ganap na alas-11:05 ng gabi. Sinasabing nagbabantay ang mga naturang security guard sa naturang condominium building nang biglang pasukin sila ng grupo ng mga kalalakihan at paputukan gamit ang sumpak.
Mabilis ding nagsipagtakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Hinihinala ng mga awtoridad na ang mga galit na illegal vendors ang siyang may kinalaman sa naturang insidente matapos umanong magsagawa ng clearing operation ang mga security guard ng naturang building. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending