Tanod itinumba sa loob ng barangay hall

MANILA, Philippines - Pinatay sa loob mismo ng barangay hall ang isang barangay tanod ng dalawang lalaking magka-angkas sa isang scooter sa Sta. Cruz, Manila kamakalawa ng gabi.

Sa loob ng tanggapan ng Brgy. 210, Zone 19 duguang bu­­mulagta at kagyat na bi­nawian ng buhay ang bikti­mang si Ricardo Malig, sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Tinutukoy ng pulisya ang pagkilanlan sa mga suspek na pinaniniwalaang gumanti lamang sa biktima kaugnay sa pagkakahuli nito sa isang lalaking ‘notoryus’ at ‘kilala’ umano sa lugar na nagtanim ng galit, bagamat ayaw pang tukuyin ang pangalan.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa loob ng nasabing barangay hall, na sinasabing katatapos lamang ng formation ng mga tanod sa harapan ng ba­rangay hall.

Habang naghihintay uma­nong idispatch ang mga tanod ay tumambay sila sa loob ng opisina nang biglang lumapit ang suspect sa biktima at malapitan itong binaril.

Dahil sa pagkabigla ay hindi agad nakakilos ang mga na­sorpresang mga tanod at nang tangkang habulin ay nakatakas na ang suspect nang sumakay sa naghihintay na isa pang lalaki na nag­mamaneho ng scooter. (Ludy Bermudo)

Show comments