3 miyembro ng 'Estribo gang' timbog

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga elemento ng Quezon City Police ang tatlong miyembro ng “Estribo gang” makaraang mangholdap ng bus kahapon ng umaga sa Quezon City.

Kinilala ang tatlong nadakip na   holda­per na sina Edmund Loterenia, 27; Regan Reyes, 26; at Junior Parena, 22.

Base sa report, dakong alas-10:15 ng umaga nang magdeklara ng holdap ang mga suspek sa pampasaherong bus na DWHL Transit sa kahabaan ng Quezon Ave­nue sa kanto ng Eliptical Road, Dili­man, Quezon City.

Lumilitaw sa imbestigasyon na habang patungo sa direksyon ng Fairview ang na­sa­bing bus, bigla na lamang nagsipag­bunot ng baril at patalim ang limang lalaki at unang tinutukan ng baril ang driver bago isa-isang kinuha ang mga pitaka at mahahalagang gamit ng mga pasahero.

Nagkataon naman na namataan ng Mobile Patrol ng City Hall Detachment ang nagaganap na holdapan sa nasabing pampasaherong bus na mabilis na nires­pondehan ang sasakyan na ikinahuli ng tatlong holdaper habang mabilis na naka­takas ang dalawang kasamahan ng mga ito. (Angie dela Cruz)

Show comments