MANILA, Philippines - Nakaligtas sa kamatayan ang alkalde ng bayan ng Gumaca, Quezon habang nakikipaglaban pa para sa kanyang buhay ang kanyang driver makaraang salpukin ng isang trak ang sinasakyan nilang SUV (sports utility vehicle) sa kahabaan ng South Luzon Expressway sa may Taguig City kahapon ng madaling-araw.
Nagpapagamot ngayon sa St. Luke’s Hospital si Mayor Joy Cabangom ng Gumaca ngunit inoobserbahan naman sa loob ng South Superhighway Medical Center ang kalagayan ng kanyang tsuper na si Ramil Revilla, 24-anyos, ng San Antonio I, San Pablo City dahil sa tindi ng pinsalang natamo sa buong katawan. Tumakas naman ang hindi pa nakikilalang driver ng DMCI truck na may plakang UCC-229 matapos ang insidente. Inimpound naman ang naturang trak ng mga tauhan ng Highway Patrol Group ng SLEX sa AAP Towing Service Storage sa East Service Road, Taguig City.
Binabagtas ng dalawang biktimang sakay ng Montero SUV ang expressway nang biglang sumulpot ang naturang trak na pag-aari ng DMCI na siyang nangangasiwa ng konstruksyon ng skyway.
Hindi na nagawa pang makaiwas ni Revilla sanhi upang sumalpok sila sa hulihang bahagi ng naturang trak. (Danilo Garcia)