Trader hinoldap, P.2-milyon tangay

MANILA, Philippines - Natangayan ng mahigit sa P.2 milyon ang isang negosyante makaraang holdapin ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek matapos mag-withdraw ang una sa isang banko sa Valenzuela City, kamakalawa.  

Ayon sa ulat umabot sa P240,000 ang natangay sa bikti­mang si Eugenia dela Cruz, 57, ng Brgy. Paso de Blas ng lungsod na ito. Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa tatlong hindi pa nakikilalang holdaper.

Batay sa ulat ng pulisya, alas-11:45 ng umaga, nag-with­draw ng nasabing halaga ang biktima sa Metro Bank, sa Brgy. Bagbaguin ng lungsod na ito.

Dala ang pera nang sumakay ang biktima sa jeep kung saan sinabayan ito ng dalawa sa mga suspek habang naka­sunod ang isa pa dala ang isang motorsiklong hindi na nakuha ang plaka. Pagsapit sa General Luis St., Paso de Blas ay naglabas ng patalim ang dalawang suspek at tinutukan ang biktima bago sapilitan kinuha ang nasabing halaga.

Agad na tumakas ang dalawang suspek at sumakay sa naghihintay na kasama nito na may dalang motorsiklo habang nagsadya naman sa presinto ang biktima. (Lordeth Bonilla)

Show comments