Evacuees sa Muntinlupa, nagkakasakit na
MANILA, Philippines - Naalarma ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa hinggil sa pagkalat ng mga sakit tulad ng alipunga, dengue at leptospirosis sa mga evacuation center na posible aniyang maging epidemya sanhi ng sobrang congested at problema sa palikuran dahil sa patuloy na paglobo ng mga evacuees kung saan ilang bata na ang nagkakasakit.
Ito ang inihayag ni Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro kasabay ng mariing panawagan at paghingi nito ng saklolo sa national government.
Nabatid na may 9 na barangay sa lungsod at walo rito ang labis na naapektuhan ng nabanggit na kalamidad, kung saan mayroon itong 8 evacuation centers na kinabibilangan ng mga pampublikong paaralan, cover court at simbahan.
Sa record ng Local Disaster Coordinating Council ng Muntinlupa City Hall, nabatid na mahigit 3,000 pamilya ang umuokupa sa mga nabanggit na evacuation center.
Inaasahang lolobo pa ang mga evacuees dahil sa inaasahang bagyong Pepeng.
Nabatid na ilang mga bata na aniya ang may mga sakit na lagnat, ubo at bulutong, samantala, ang ilang matatanda ay may alipunga. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending