Force evacuation sa Maynila, ikinasa
MANILA, Philippines - Bilang paghahanda sa inaasahang malakas na pagdating ni ‘Pepeng’ ngayon sa bansa, isinagawa ni Manila Mayor Alfredo Lim ang force evacuation sa lungsod upang matiyak na walang Manilenyo ang maapektuhan at magiging biktima ng pagbaha at bagyo.
Sa kautusan ni Lim kay Secretary to the Mayor Rafaelito Garayblas, sinabi nito na gamitin at makipag-ugnayan sa lahat ng mga kinauukulan upang maging maayos at mabilis ang pagsasagawa ng paglilikas.
Kabilang sa mga lugar na inilikas ay ang Isla Puting Bato at ilang barangay sa Sta. Mesa, na direktang naapektuhan ni ‘Ondoy’ noong Setyembre 26. Ang mga maapektuhan ay dadalhin sa evacuation centers hanggang sa maging normal ang sitwasyon.
Inabisuhan din ni Lim ang Manila Disaster Coordinating Council na pinamumunuan ni Manila Vice Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno na gamitin ang lahat ng kailangan upang mailikas ang mga nakatira sa tabi ng mga estero at mga binabahang lugar sa Maynila.
Ayon naman kay Moreno, kailangang isagawa ang evacuation para na rin sa seguridad ng mga residente ng lungsod na walang kakayahan na mailikas ang kanilang mga sarili sakaling dumating ang supertyphoon.
Samantala, half day lang ang mga empleyado ng Manila City hall upang mabigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na mapaghandaan ang posibleng hagupit ni Pepeng. (Doris Franche)
- Latest
- Trending