11 pang bangkay nakuha sa Metro Manila
MANILA, PHilippines - Hanggang kahapon ay patuloy pa ring nakakarekober ng mga bangkay sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na pinaniniwalaang mga biktima ng bagyong si Ondoy.
Sa Taguig City, walo pang bangkay ng mga hinihinalang biktima ng delubyo ang nabingwit ng mga awtoridad sa baybayin ng Laguna de Bay magmula kamakalawa ng gabi.
Dalawa lamang sa walong lumutang na bangkay ang residente ng lungsod habang ang anim ay hinihinalang galing sa ibang lugar at tinangay lamang patungo sa kanilang nasasakupan.
Nakilala ang isa sa mga biktima na si John Mark Bauaoro, 15-anyos, na iniulat na tinangay ng ilog sa Brgy. Lower Bicutan habang kasagsagan ng bagyong Ondoy samanta lang hindi pa kilala ang batang babae na nasa pagitan ng apat hang gang limang taong gulang.
Sa Maynila, isa pang bangkay ng babae ang nabingwit habang nakasabit sa pulumpon ng Water Lilly sa Pasig River na sakop ng Binondo.
Ang biktima ay inilarawang nasa 20-25 ang edad, may taas na 5 hanggang 5’2’’, mahaba ang buhok at nakasuot ng pulang sando at brown na shorts.
Sa Quezon City, dalawa pang bangkay na hinihinalang nalunod sa paghagupit ng bagyo.
Ayon sa ulat, isa sa mga biktima ay nakilalang si Jesus Vicente, 80, at isang lalaking isinalarawan sa edad na 20-30, may taas na 5’5’’, balingkinitan, maikli ang buhok, nakasuot ng t-shirt na may tatak na “KASBY”, maong na pants at itim na sapatos.
Sinabi pa sa ulat na ang mga nasabing biktima ay kabilang sa mga biktima ng mga nalunod kung saan nagtala ang lungsod ng may kabuuang 32 nasawi.
Si Vicente ay natagpuang bangkay ng kanyang mga kaanak sa loob mismo ng kanyang tahanan matapos na malunod makaraang pasukin ito ng tubig- baha noong kasagsagan ng pagbuhos ng ulan.
Sinasabing nag-iisa lamang sa kanyang bahay ang biktima nang mangyari ang insidente.
- Latest
- Trending

















