5 pang bangkay kuha sa Las Piñas at Parañaque
MANILA, PHilippines - Lima pang bangkay kabilang na ng dalawang paslit na biktima ng bagyong Ondoy ang narekober sa mga lungsod ng Las Piñas at Parañaque kahapon.
Sa ulat ng Northern Police District-Tactical Operations Center, natagpuan kahapon ng umaga ang bangkay ng 61-anyos na lolo na si Loreto Bagapuro, ng Block 1 Lot 4 Saint Vincent street, St. Joseph Subdivision na lumutang sa ilog sa ilalim ng tulay ng Manuyo 2. Isang bangkay naman ng lalaki na may edad na 10-15 anyos ang narekober sa may Brgy. Manuyo 1.
Batay sa ulat, tinangay ng malakas na agos ang dalawa nang umapaw ang ilog sa Saint Joseph Subdivision noong Sabado ng gabi.
Tatlo namang bangkay, kabilang ang dalawang bata na may edad na isa at apat-na-taong gulang ang natagpuan ng mga rescue team ng Parañaque City sa magkahiwalay na lugar sa Brgy. San Dionisio at San Antonio kahapon ng umaga.
Unang nakita ang bangkay ni Rollie Delegensia, 25, na lumutang sa ilog ng Lower Barangay, San Antonio dakong alas-9 ng umaga habang sa ilog naman ng Lupang Pangako sa San Dionisio lumutang ang hindi pa nakikilalang bangkay ng dalawang bata. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending