MANILA, Philippines - Isang lalaki ang nasawi nang mabagsakan ng gumuhong pader ang kanyang barung-barong sa Barangay Sto. Niño, Parañaque City habang isa pa ring lalaki ang nasawi nang makuryente sa loob ng kanilang opisina sa lungsod ng Pasay kamakalawa.
Dakong alas-9:00 na ng umaga kahapon ng matagpuan ang bangkay ni Juan Palero, 56, na lumulutang sa isang creek sa may Multinational Avenue sa Barangay Sto. Niño.
Ayon sa pulisya, nakatira sa maliit na barung-barong ang biktima sa gilid ng pader ng isang palengke sa Multinational Avenue na natabunan ng pader matapos na gumuho ito dakong alas-2:00 kamakalawa ng hapon.
Isang company driver naman ang nakuryente habang naghahakot ng mga gamit sa binaha nilang tanggapan sa Automall sa EDSA Exit sa Pasay City kamakalawa ng tanghali. Hindi na umabot ng buhay sa San Juan De Dios Hospital si Rolando Lozada, nasa hustong gulang at nakatira sa 2814 Violeta Court FB Harrison St., Pasay.
Naghahakot ng mga gamit sina Lozada matapos pasukin ng tubig-baha ang kanilang tanggapan nang matagpuan ito ng kanyang kasamahan na nangi ngisay na sa loob ng kusina.
Sa Muntinlupa City, tatlong bata naman ang iniulat na nawawala makaraang ragasain ng tubig buhat sa Laguna Lake ang mga kabahayan sa baybayin sa Brgy. Sucat.
Hindi pa naman inilalabas ang pangalan ng mga batang nawawala habang patuloy ang search and rescue operations ng lokal na pamahalaan. (Danilo Garcia)