Sudanese sangkot sa human organ trafficking, tiklo ng Bureau of ImÂmigration
MANILA, Philippines - Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Sudanese national na umano’y leader ng sindikato ng human organ trafficking sa Metro Manila.
Kinilala ang suspek na si Bargeldin Elzaki Ibraim El Habib, 31, na naaresto sa kanyang condominium unit sa Pasong Tamo St. Makati City.
Sinabi ni Immigration Commissioner Marcelino Libanan na ang pagkakaaresto sa suspek ay bunsod sa natanggap nilang impormasyon mula sa Saudi embassy kaugnay sa umano’y pagkakasangkot nito sa sindikato ng swindling.
Kaagad nagpalabas ng mission order si Libanan upang maaresto ang suspek, subalit batay sa ulat ni Atty. Henry Tubban Sr. hepe ng Immigration Area IV-NCR-south, inireklamo si Habib ng ilang pasyente mula sa Saudi Arabia dahil sa panloloko sa kanila.
Modus umano ng sindikato na hikayatin ang mga pasyente na magbiyahe mula sa Saudi Arabia patungo sa Manila upang sumailalim sa kidney transplant subalit walang nangyayaring transplant matapos na makapagbayad ang mga biktima.
Kasabwat din umano ng suspek ang ilang Filipino medical practitioners upang makumbinse ang mga biktima na dito sa Maynila sumailalim sa transplant.
Nadiskubre din ng BI na dumating sa bansa si Habib noong July 2000 at nabigyan ng student visa subalit hindi na ito nag renew matapos na mag-expire noong 2004. (Gemma Amargo-Garcia at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending