Petisyong piyansa ng Jimenez brothers, ibinasura
MANILA, Philippines - Hindi pinagbigyan ng Navotas-Malabon Regional Trial Court ang petisyon ng kampo ng pamilyang Jimenez para makapagpiyansa at mailipat sa pagamutan ang isa sa mga suspek sa pagpatay kaugnay sa pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda sa naganap na pagdinig kahapon.
Bagama’t pinasok ng tubig dahil sa high tide ang court room, hindi ito naging hadlang para hindi ituloy ni Judge Hector Almeyda, ng RTC Branch 170, ang pagdinig sa kasong isinampa kina Atty. Manuel Jimenez at kapatid na si Lope Jimenez sa pagpatay umano kay Barrameda.
Hindi nagpalabas ng desisyon si Judge Almeyda sa isinumiteng petisyon nina Atty. Mario Aguinaldo at Atty. Paul Lentejas para payagang makapagpiyansa ang magkapatid. Hindi rin niresolba ng hukom ang kahilingan para mailipat sa pribadong pagamutan si Atty. Jimenez na idinadahilan na may karamdaman sa puso dahil sa hindi pa naman nakakapagpalabas ng “medical report” ang Philippine Heart Center sa ginawang pagsusuri dito.
Sa naturang pagdinig, tinutulan ng mga abogado ng Jimenez ang pagpapalabas ng video sa malaking “projector” sa loob ng korte ngunit hindi ito kinatigan ni Almeyda na pinayagan ang pagpapanood ng “retrieval operation” sa drum na doon sinimento ang bangkay ni Barrameda sa karagatang sakop ng Navotas.
Bigo rin ang mga abogado ng Jimenez na mapalabas ng korte ang mga tagasuporta ng mga Barrameda na pawang nakasuot ng t-shirts na may tatak na “Justice for Ruby Rose”.
Muli namang itinakda ni Judge Almeyda ang pagdinig sa kaso sa Oktubre 12, 2009.
Samantala, inalis na kahapon ng testigo sa Ruby Rose Barrameda murder case na si Manuel Montero ang serbisyo ng Public Attorney’s Office (PAO) bilang kanyang abogado sa naturang kaso.
Ayon kay PAO Chief Persida Rueda Acosta, nagulat na lamang siya kahapon ng pagdating niya sa Malabon Regional Trial Court (RTC) kung saan nag sasagawa ng pagdinig kaugnay sa nasabing kaso, ay isang pulis ang lumapit sa kanya para ibigay ang liham umano ni Montero. (Danilo Garcia at Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending