Juvenile offenders hindi pwedeng posasan
MANILA, Philippines - Mabibigyan ngayon ng bigat ang karapatan ng bawat kabataan na nagkakaroon ng pagkakasala sa batas o tinaguriang children in conflict with the law (CICL) matapos ang bagong kautusan na nagbabawal sa mga awtoridad na lagyan ng posas ang kanilang mga kamay kapag inaaresto. Ito ang nabatid makaraang ipalabas ng National Police Commission (Napolcom) ang isang manual para sa lahat ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na gigiya sa mga ito kung papaano tratuhin ang mga kabataang nagkakasala, base sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Sa ilalim ng PNP manual, ang mga pulis ay inatasang itigil ang pagpo-posas sa mga menor-de- edad na nagkasala sa ilalim ng Republic Act 9344 o tinaguriang Juvenile Justice and Welfare Act ng 2006 – maliban na lamang kung kinakailangan.
Ang RA 9344 o CICL ay ang naging akusado o nagkasala sa ilalim ng batas. Mga bata na ang tinutukoy ay nasa edad 18 pababa. Nabatid pa na nakasaad din sa RA 9344 na ang mga batang nasa edad 15- o 18-anyos pababa nang gawin nito ang pagkakasala ay exempted sa anumang criminal liability maliban sa huli na naaktuhang nagkasala. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending