Dating ABS-CBN exec binugbog ng colonel
MANILA, Philippines - Isa umanong mataas na opisyal ng Philippine National Police ang tugis ngayon ng mga awtoridad makaraang ireklamo ng pananakit at panunutok ng baril sa isang dating top executive ng ABS-CBN sa Congressional Avenue, Quezon City kahapon.
Inutos ni Quezon City Police District Director Sr. Supt. Elmo San Diego ang paghahanap sa sasakyan ng suspek na nagpakilalang si Supt. Morales na mabilis na tumakas makaraan umanong pagbubugbugin at tutukan ng baril ang isang Rino Basilio, 79-anyos, at retiradong top executive ng ABS-CBN.
Nag-ugat ang insidente nang magkaroon ng simpleng problema sa trapiko ang biktima at nasabing suspek sa may parking area ng isang fastfood sa may Congressional Avenue bandang alas-7:00 ng umaga.
Sinabi ni Basilio na ipaparada sana niya ang kanyang KIA sporstage sa nasabing lugar nang may nakaharang na isang kulay gintong Nissan Patrol sa driveway nito.
Nang businaan ng biktima ay lumabas ang isang lalake na may bitbit ng baril at nagpakilalang isang Supt. Morales sabay tutok sa una.
Dahil dito, sa pag-aakalang naagrabyado ang pulis ay nagsipaglabasan ang mga tao na kumakain sa fastfood at kinuyog ang biktima saka mabilis na umalis ang naturang pulis.
Sa puntong ito, nagpasya si Basilio na dumulog sa tanggapan ng Police Station 3 at kay Supt. San Diego para magreklamo. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending