Gulo sa San Jose del Monte, winakasan ng DILG
MANILA, Philippines - Winakasan na kahapon ng Department of Interior and Local Government ang kaguluhan kung sino ang dapat na maupong alkalde sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa tatlong-pahinang direktiba, inatasan ni DILG Undersecretary for Local Government Austere Panadero si Acting Mayor Rey San Pedro na isuko na ang pamamahala ng lungsod kay Mayor Angelito Sarmiento base na rin sa naging desisyon ng Commission on Elections na ang huli ang dapat na tanghaling alkalde ng San Jose del Monte City.
Nakatakda na sanang umupo bilang bagong alkalde ng lungsod si Sarmiento noong nakaraang Lunes subalit tinutulan ito ni San Pedro at iginiit na siya ang dapat na manungkulang punong-lungsod sa ilalim ng law of succession.
Ani San Pedro, isusuko lamang niya ang posisyon kung siya ay aatasan ng DILG na bumaba at isalin ang pamamahala kay Sarmiento.
Inatasan ni Asst. Secretary at Legal Service chief Emeterio Moreno Jr., si Region 3 Director Renato Brion na personal na ibigay ang direktiba kay San Pedro.
Ipinadala rin ang order sa tanggapan ng DILG director, Philippine National Police regional office, PNP provincial office at tanggapan ng chief of police.
Nauna nang ipinag-utos ni DILG Secretary Ronnie Puno sa PNP na sibakin si Supt. Danilo Florentino, chief of police dahil sa pagkiling kay San Pedro sa kasagsagan ng kaguluhan sa isyu ng pagka-alkalde sa siyudad. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending