Call center agent dinukot ng 4 na armado
MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang pamunuan ng Quezon City Police (QCPD) upang matukoy ang sinasabing apat na kalalakihang nagtangkang dumukot sa isang call center agent sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Aksyon ito ng pamunuan makaraang dumulog sa tanggapan ng Police Station 10 ang biktimang si Aileen B. Salvador, 40, ng Tolentino St. Brgy. 88 Zone 8, Caloocan City upang humingi ng saklolo makaraang makaligtas sa nasabing mga suspek.
Ayon sa awtoridad, masusi nilang iniimbestigahan ang anggulong may kinalaman sa negosyo ng asawa ng biktima ang tangkang pagdukot dito dahil nagkaroon umano ito ng hidwaan sa pinasok na ilang proyekto.
Base sa salaysay ng biktima, nangyari ang insidente pasado alas- 9 ng gabi sa may Edsa kanto ng Mother Ignacia Avenue, South Triangle sa lungsod habang siya ay naghihintay ng masasakyan papauwi.
Diumano, mula sa kanyang harap ay pumarada ang isang itim na Sedan na tanging ang nakuha sa plaka ay numerong WBU saka sapilitan siyang isinakay.
Sa loob ng sasakyan ay sinimulan ng mga suspek ang pananakit at pananakot sa biktima habang nakatutok ang patalim, at natigil lamang ito pagsapit sa Muñoz kung saan siya nakatakas.
Ayon sa biktima, maaaring pakawala ng mga naging business partner ng kanyang asawa ang mga suspek na naghihiganti matapos na hindi naging maganda ang kinalabasan ng proyektong pinagsamahan nila. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending