MANILA, Philippines - Tukoy na ng pamunuan ng Quezon City Police ang grupo ng robbery/holdup gang na sumalakay sa armored van sa Walter Mart sa lungsod Quezon nitong Martes at ito ay pinangungunahan umano ng tinaguriang Ozamis at Ampang-Colangco gangs.
Ayon kay chief Superintendent Elmo San Diego, hepe ng Quezon City Police District, ito ang naging palagay nila matapos na makita sa pamamagitan ng footage mula sa closed-circuit television (CCTV) na nakakabit sa nasabing mall ang mga nasabing grupo.
“Yung footage ng CCTV ang pino-process namin ngayon. Meron kaming file ng rogue gallery, kino-compare namin kung sila nga yan,” ayon kay San Diego.
Sinisimulan na ring suyurin ng awtoridad ang mga ospital upang matagpuan ang dalawang holdaper na sinasabing nasugatan sa nangyaring palitan ng putok.
“Ang dami sa labas may naka-back-up daw allegedly pero ang sa loob ang nakunan ng footage ng CCTV, pino-process natin ngayon,” sabi pa ni San Diego.
Hinihinala rin ng opisyal na may kasabwat na insider na nagbigay ng impormasyon sa schedule ng armored van dahil batid umano ng mga suspek kung anong oras sila maaring sumalakay.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detective Unit ng QCPD, lima katao ang sugatan, kabilang ang mga customers at security personnel sa naganap na pangloloob at ngayon ay nakaratay sa Quezon City General Hospital.
Ang dalawang sasakyan ginamit ng mga suspek ay Mitsubishi Adventure (XSB-557), itim na Ford Expedition (WND-331), asul na Kia Picanto (ZGV-964), at isang Suzuki (LMJ-619) ay nasa pangangalaga ngayon ng QCPD-CIDU. (Ricky Tulipat)