Lider ng frat, itinumba

MANILA, Philippines - Patay ang isang lider umano ng isang fraternity makaraang pagbabarilin ng isa sa dalawang kalalakihang sakay ng isang motorsiklo sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw. Kinilala ng pulisya ang bik­tima na si Ernesto C. Millalos, 25, binata, lider ng TBS frater­nity at nakatira sa Kaligayahan St., Brgy. Batasan Hills, QC. Ayon sa ulat, dakong alas-2:40 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente sa na­sabing barangay. Bago nito, galing umano sa lamayan ang biktima at papauwi nang mula sa likuran nito ay sumulpot ang isang motorsiklo na sakay ang dalawang suspek at paputukan siya. Nang makitang bumulagta ang biktima sa kalsada ay ma­bilis na tumakas ang mga sus­pek papalayo sa nasabing lugar. Hinala ng pulisya na may kinalaman ang pamamaril sa away ng mga fraternity sa Brgy. Batasan Hills na kasalukuyang iniimbestgahan ng QCPD. (Ricky Tulipat)

Show comments