Nagwala dahil sa pag-ibig, napatay
MANILA, Philippines - Bigo na sa pag-ibig ay nasawi pa ang isang miyembro ng Philippine Army makaraang pagtatagain at barilin ito ng pinsan ng kanyang babaeng umano’y kanyang kasintahan habang nagwawala ito, kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Nakilala ang nasawi na si T/Sgt. Tyron Montes, 30 , dating nakatalaga sa Head Service Group ng Philippine Army. Agad namang nakatakas ang suspek na nakilala pa lamang sa pangalang Breceldo Tallega, residente ng Llanera St., Phase 4 Pinaglabanan, Western Bicutan, ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa tapat ng bahay ng suspek.
Nabatid na nagwawala umano ang biktima na armado ng kalibre .45 baril at pilit na isinasama upang magtanan ang isang babae na nagngangalang Maricar na pinsan naman ng suspek na si Tallega.
Nabatid na sinasabi ng biktima na kasintahan umano niya si Maricar na may legal na asawa naman na nagtatrabaho sa ibang bansa bilang Overseas Filipino Worker (OFW).
Tumanggi umano na sumama si Maricar ngunit naging mapilit ang sundalo na nagwala na. Nang makitang nasasaktan ang kanyang pinsan, dito na nakialam si Tallega na nakakuha ng pagkakataon at pinagtataga ang biktima.
Nang duguan nang nakalugmok, kinuha pa ni Tallega ang baril ni Montes at pinagbabaril ito hanggang sa matiyak na wala na itong buhay. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending