Lumiliyab na bangkay ng babae natagpuan
MANILA, Philippines - Nagliliyab pa nang matagpuan ng mga tauhan ng Taguig City police ang bangkay ng isang babae sa isang bakanteng lote sa kahabaan ng C-5 Road, Fort Bonifacio kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Hindi na makilala ang hitsura ng naturang biktima matapos na maapula ang apoy sa pamamagitan ng fire extinguisher dahil sa pagkakasunog nang husto ng buong mukha at katawan nito. Wala rin anumang dokumento na maaaring basehan ng pagkakakilanlan ang narekober ng pulisya.
Tinataya naman na nasa pagitan ng edad na 15-20 anyos ang biktima, may taas na 4’6’’, may basahang nakabusal sa bibig at nakatali ng kable ng kuryente ang mga kamay at paa.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang madiskubre ang nagliliyab na bangkay sa gilid ng southbound lane ng C-5 Road malapit sa McKinley Road ng mga tauhan ng Taguig Mobile Patrol Group na sina PO2 Allan Corpus at PO2 Ferdie Letac.
Sa inisyal na imbestigasyon, wala namang nakitang anumang palatandaan na sinaksak o binaril muna ang biktima bago ito sinilaban. Nagawang maapula ng mga pulis ang apoy makaraang manghiram ng fire extinguisher sa malapit na McKinley Security Office.
Nakuha naman sa lugar na pinagsunugan ng bangkay ang apat na upos ng sigarilyo at isang nakaluping t-shirt na nangangamoy gasolina na nakapailalim sa katawan ng biktima.
Isang masusing pag-analisa sa Crime Laboratory ang posibleng isagawa sa naturang bangkay upang mabatid ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng dental records habang aalamin rin ang sanhi ng kamatayan sa pamamagitan ng awtopsiya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending