2 estudyante nabaril ng kapwa estudyante
MANILA, Philippines - Sugatan ang dalawang high school students nang mabaril ng pen gun ng kapwa estudyante sa loob ng compound ng pampublikong paaralan sa Tondo, kahapon ng umaga.
Kasalukuyang naka-confine sa Mary Johnston Hospital ang mga biktimang sina Marie Hanopol, 13, ng Quirino St., Tondo na nagtamo ng bala sa kaliwang balikat habang si Sharmaine Aguilar, 14, ng Panday Pira St., Tondo na nagtagusan ang bala sa katawan, kapwa 1st year high school student ng Tondo High School.
Mabilis namang inaresto ang suspek na si Francisco Villar, 16, 3rd year high school residente ng Mata St., Tondo at estudyante rin ng nasabing paaralan.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng nasabing eskuwelahan sa Masinop St., Tondo, Manila.
Depensa ni Villar, nakapulot umano siya ng pen gun habang naglalakad papasok ng paaralan at nang nilalaro umano ito ay aksidenteng nakalabit at pumutok, na tumama naman sa mga biktima ang bala. Unang nasapul ng bala sa tiyan si Aguilar at tumagos palabas na tumama pa uli sa balikat ni Hanopol.
Bukod kay Villar, iimbestigahan din ang security guard ng eskwelahan kung bakit nakalusot ang estudyanteng may dalang baril. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending