Abogado ng 'Big 3', iko-contempt
MANILA, Philippines - Matapos na mag-walk out sa korte, sinabi ni Manila Regional Trial Court Judge Silvino Pampilo na posibleng i-contempt ang tatlong abogado ng Pilipinas Shell, Chevron at Petron habang dinidinig ang isyu ng manipulasyon sa presyo ng langis.
Ayon kay Pampilo, gumawa ng gulo sa loob ng korte ang tatlong abogado kung kaya’t dapat lamang bigyan ng karampatang sanctions ang mga ito. Ang mga ito ay kinabibilangan nina Atty. Erwin Herrera, Atty. Janet Regalado at Atty. Gener Asuncion. Subalit ayon naman kay Atty. Herrera, kinukuwestiyon nila ang hurisdiksyon ng korte para imbestigahan ang petisyon dahil ang Department of Energy lang umano ang dapat na duminig sa kaso.
Idinagdag pa ni Atty. Herrera na sinabihan na nila si Pampilo na may pending petition na sila sa Korte Suprema na kumokontra sa awtoridad ni Pampilo na dinggin ang petisyon ng Social Justice Society (SJS). Hindi umano ang sala ni Judge Pampilo ang proper forum para magbigay ng kanyang testimonya ang SJS sa pangunguna ni Consumer Price Watch Raul Concepcion. Ayon naman kay Pampilo, hindi naman siya mag-i-inhibit sa kaso kung saan tiniyak din nito na tuloy pa rin ang pagdinig sa kaso.
Una rito, naging mainit ang palitan ng argumento sa pagitan ng mga abogado ng kompanyang Pilipinas Shell, Chevron at Petron Corporation at panig ng prosecution, matapos namang akusahan ng mga private lawyers si Judge Pampilo ng umano’y hindi patas. (Doris Franche)
- Latest
- Trending