Bangkay ng babae, lumutang sa ilog Pasig
MANILA, Philippines - Nakipag-ugnayan ang Manila Police District (MPD) sa Quezon City Police District (QCPD) upang matiyak kung ang babaeng nakuhang lumulutang sa Pasig River, sa Intramuros, Maynila, ay ang 3-buwang buntis na tinangay ng agos sa bahagi ng lungsod Quezon, kamakalawa ng umaga.
Sa paglalarawan ng MPD-Homicide Section, nasa pagitan lamang ng 20-25 ang bangkay, may taas na 5’1 talampakan, nakasuot ng pulang sando at orange na shorts at nakasuot ng singsing na copper sa kaliwang daliri.
Ayon sa ulat ng MPD, dakong alas-6:30 ng umaga nang matagpuan ang bangkay na nakalutang sa tubig ng Pasig River sa harapan ng Fort Santiago sa Intramuros, Maynila.
Napaulat kahapon ang pagkakatangay ng agos sa isang pamilya na nakatira sa isang kubo sa gilid ng creek nang biglang bumigay umano ang bahay at tinangay ng agos.
Sinagip ng mga kapitbahay ang mag-iina subalit dahil umano sa bigat ng ina ay nabitiwan ito dahil hindi na umano makayanan ang current ng tubig.
Ligtas ang ama na si Lito, mga anak na sina Princess Ann, 4; at Angelito, 3 habang si Jonalyn Bayno umano na natangay ng agos ay nagdadalang-tao ng 3 buwan. Habang isinusulat ang balitang ito ay tiniyak ng MPD na may magtutungong kaanak ng pamilya Bayno upang kilalanin ang bangkay matapos ang pakikipag-uganayan sa QCPD. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending