Sekyu vs DILG men nagrambulan: 3 sugatan
MANILA, Philippines - Tatlong security guard ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin umano ng grupo ng mga kalalakihang nagpakilalang mga taga Department of Interior and Local Government (DILG) makaraan ang rambulan sa loob ng isang restaurant sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Inoobserbahan sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang dalawa sa tatlong biktima na sina Bluigard Lopez, 41; at Eluminado Urgia, 40. Habang ang isa pang kasamahan nilang si Dominador Medina, 33, ay nasa custody na ng Fairview Police Station 5 ng Quezon City Police District (QCPD) makaraang agad na malapatan ng lunas sa nasabing pagamutan.
Isa naman sa mga suspek na nakilalang si Rufino Bautista, 55, ang agad na naaresto ng tropa ng Police Station 5 ng QCPD.
Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Al-Lee’s Grill Restaurant sa may Commonwealth Avenue at Pearl St., sa lungsod ganap na alas-11 ng gabi.
Nang oras na iyon ay kapwa nag-iinuman sa loob ang grupo ng mga biktima na pawang mga security guard at ang grupo ng mga suspek na nagpakilala umanong mga taga-DILG. Sa hindi malamang kadahilanan, biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkabilang grupo dahilan upang mauwi ito sa rambulan.
Nasa kainitan ng rambulan nang magbunot ng baril umano ang naarestong suspek at pinaputukan ang mga biktima.
Matapos ang pamamaril ay agad na nagsipagtakas ang mga suspek, ngunit bago tuluyang lumayo ay pinaputukan pang muli ng mga ito ang tatlong sekyu dahilan upang magtamo ang mga ito ng sugat sa kanilang mga katawan.
Sa pagresponde naman ng awtoridad ay naaresto si Bautista habang nakatakas naman ang kasamahan nito.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente na ayon sa pulisya ay posibleng kapwa magsampa ng reklamo ang magkabilang panig. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending














