3 holdaper bulagta sa Pasig
MANILA, Philippines - Patay ang tatlong pinaghihinalaang mga miyembro ng Alvin Flores holdup and robbery group matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng pulisya, kahapon ng madaling-araw sa Pasig City.
Kinilala ng pulisya ang dalawa sa mga nasawi na sina Antonio Rodriguez at Allan Mahinay, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pa.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) director, P/C Supt. Benjardi Mantele, unang naispatan ng operatiba ng Pasig City Police sa inilatag na checkpoint sa A. Rodriguez Avenue corner F. Manalo St., Manggahan, sa nabanggit na lungsod ang mga suspect na pawang sakay ng isang Toyota Vios na walang plaka dakong alas-3:30 ng madaling-araw.
Nang sitahin umano ng operatiba, sa halip na huminto ay lalo pa umanong pinaharurot ng mga suspect ang kanilang sasakyan na nagresulta upang habulin ang mga ito ng grupo ng operatiba.
Nang malapit ng masukol ay bigla na lamang umanong nagpaputok ang mga suspect na naging dahilan upang gumanti naman ang operatiba na naging dahilan ng ilang minutong umaatikabong habulan at palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Nang humupa ang ilang minutong running gunbattle ay nakita na lamang ang tatlong suspect na pawang duguan at wala nang buhay na bumulagta sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan, habang nagawa namang makatakas ng ibang kasamahan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtalon sa Mangahan Channel.
Narekober naman sa loob ng sasakyan ng mga suspect ang isang Colt caliber 45 pistol, isang caliber 380 pistol at isa pang caliber 38 revolver.
Naniniwala naman si Mantele na kabilang ang mga suspect sa nanloob noong Agosto 30 sa apat na kompanya sa Pasig City kung saan nagawang matangay ng mga ito ang mahigit P1 milyong halaga na pag-aari ng isa sa naturang mga kompanya.
- Latest
- Trending