MANILA, Philippines - Isang tatlong-buwang buntis na ginang ang pinaghahanap matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig nang gumuho ang kanilang tahanan na nakatirik sa gilid ng creek at mahulog ang mga ito kasama ang dalawang anak sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Department of Public Order and Safety (DPOS), kinilala ang biktima na si Jonalyn Bayno, 21, residente sa Sitio Pajo, Brgy. Baesa sa lungsod.
Ayon kay Lea Duran ng DPOS, alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa may pagitan ng Sitio Mendez, Brgy. Baesa at Sitio Militar sa nasabing barangay sa kasagsagan ng ulan. Sinasabing nasa loob ng kanilang bahay ang mag-iina dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan nang gumuho ang tahanan ng mga ito at sabay-sabay na mahulog sa creek.
Nabatid na ang bahay ng biktima ay nakatirik lamang sa gilid ng creek kung kaya nang gumuho ay mismong sa tubig bumagsak ang mga ito.
Dahil sa lakas ng agos, tuluyang nilamon ang pamilya, ngunit na gawa namang maisalba ng kapitbahay ang dalawang menor-de-edad, habang ang ina ng mga ito ay tuluyang naglaho sa ilog.
“Nakita ko pong lumutang ang kamay, tapos iyong paa ng bata, kaya nakuha namin, pero ung nanay, masyadong mabigat, hindi na namin nakaya,” sabi ng mga residente.