Court martial vs 7 Army
MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa posibleng court martial ang pitong sundalo na nasangkot sa walang habas na pamamaril na ikinasawi ng isang pulis at isang Brgy. Tanod, habang isa pa ang nasugatan sa Quezon City noong Linggo.
Sinabi ni Army Spokesman Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., hindi mangingimi si Army chief Lt. Gen. Delfin Bangit na sibakin sa tungkulin at patawan ng ‘dishonorable dismissal ‘ang pito oras na mapatunayan sa isasagawang administrative investigation na may pagkakasala o guilty ang mga ito sa kaso.
Nahaharap sa kasong murder at frustrated murder ang pitong tauhan ng Army kaugnay sa pagkamatay nina PO3 Wilfredo Macatangcay at tanod na si Alex Bersamin at malubhang pagkasugat ni Reynaldo Ybañez.
Kinilala ang mga tauhan ng Philippine Army na nasangkot sa karahasan na sina Urban Civil Military Operation na sina Sgt. Elgar Aclan, Cpl. Eugene Villaver, and Pfcs. Rafael Lantano, Delfin Viajedor,Rannie Bartolay, Ariel Molina at Roberto Chiong; pawang ng Civil Military Operation (CMO).
Nabatid na ang pito ay kabilang sa grupo ng mga sundalo na nakadeploy sa iba’t ibang urban poor communities para tumulong sa mga civil military project na may layunin ding supilin ang nagaganap na NPA recruitment sa National Capital Region (NCR).
Sa inisyal na ulat ay sinasabing sinita ng lasing na si Chiong, si Ybanez para patigilin ang operasyon ng isang peryahan sa kanilang nasasakupan na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang biglang nagpaputok umano ang sundalo kaya napilitang tumakbo ang tanod at humingi ng responde.
Subali’t nang dumating umano ang mga pulis sa Health Center sa Brgy. Pasang Tamo, Tandang Sora, Quezon City kung saan nakahimpil ang mga sundalo ay agad umanong pinaputukan ng mga ito habang bumababa sa kanilang patrol car. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending














