Ama tinodas ng kaaway ng anak
MANILA, Philippines - Hindi akalain ng isang ama ng tahanan na ang kagustuhan niyang mapagkasundo ang isa niyang anak sa nakaaway nitong kababata ang magbubunsod sa kanyang kamatayan makaraang pagsasaksakin ito ng pinsan ng huli sa lungsod ng Quezon, iniulat kahapon.
Si Alberto Famitangco, 58-anyos, may-asawa, karpintero ng Brgy. San Agustin, Novaliches ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Novaliches Hospital bunga ng mga tama ng saksak sa katawan.
Agad namang naaresto ng mga awtoridad ang suspek na si Melvin Ogriman, 24, empleyado sa restaurant at residente sa Amparo Subdivision, Lagro sa Quezon City.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa may Fidel St., corner Pedro St., Brgy. San Agustin, Nova sa lungsod ganap na alas 6 ng gabi.
Nauna rito, ang anak ng biktima na si John Adams ay nakaalitan ang isang alyas Tato makaraang pagsabihan ng una ang huli ng maanghang na salita.
Sa galit ni Tato ay nagpasya itong magsumbong kay Ogriman habang si John Adams naman ay nagpunta sa kanyang ama. Dahil magkakapitbahay, nagpasya ang biktima na puntahan si Tato kasama ang anak para iayos ang problema ng dalawa.
Ngunit habang naglalakad patungo sa bahay ni Tato ay sinalubong ang mga ito ng suspek at inundayan ng saksak ang biktima.
Tinangka naman tumulong ng anak, ngunit maging ito ay tinangkang saksakin at masuwerte na lang at nakatakbo ito papalayo at nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending