Color Coding sa MM sinuspinde
MANILA, Philippines - Suspendido muna ang Unified Vehicle Volume Reduction Scheme o Color Coding sa Metro Manila ngayong Lunes dahil sa libing ng punong tagapangasiwa ng Iglesia ni Cristo na si Ka Erdy Manalo.
Inihayag kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority ang suspension ng color coding ngayong araw na ito na isa ring non-working holiday.
Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na iwasan ang Commonwealth Avenue sa Quezon City dahil sa pagsasara ng malaking bahagi nito at dumaan na lamang sa mga alternatibong mga ruta.
Ito’y dahil sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga miyembro ng INC na makikipaglibing sa kanilang yumaong lider.
Sa inilabas na traffic re-routing ng MMDA, ang malaking bahagi ng Commonwealth Avenue, Tandang Sora, Central Avenue at Luzon Avenue papuntang Elliptical Avenue ay isasara sa daloy ng trapiko. Ang mga motoristang patungo sa Libis ay pinapayuhang dumaan na lang sa C-5 Katipunan Road at Quirino Avenue-Novaliches Road o sa Tandang Sora-Zuzuaregui-Commonwealth Road.
Pinapayuhan din ang mga kaanib ng INC na iparada ang kanilang mga sasakyan mula Elliptical Road hanggang Asian Institute of Tourism na sadyang inilaan na paradahan ng mga dadalo sa libing. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending