Burol ni 'Ka Erdy' dinadagsa pa rin
MANILA, Philippines - Walang tigil ang pagdagsa ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo (INC) sa Central Temple sa Diliman, Quezon City para masilayan sa huling pagkakataon ang Tagapamahalang Pangkalahatan si Kapatid na Eraño “Ka Erdy” Manalo.
Hindi napigil ang kapatiran sa Iglesia sa kabila ng pagbuhos ng ulan ay nagtiis ang mga ito sa mahabang pila makapasok lamang sa loob at doon masilayan ang burol ni Ka Erdy.
Maging ang mga bata, matatanda at may kapansanan ay makikitang matiyagang naghihintay sa kanilang pagpasok sa loob.
Sa kabila nito, kapansin-pansin pa rin ang disiplinang umiiral sa mga magkakapatid at damang-dama ang kaayusan sa burol at labis nilang pagmamahal kay Ka Erdy.
Bukas ihahatid sa kanyang huling hantungan si Ka Erdy sa INC Compound na dito inaasahan lalo ang pagdagsa ng mga tao.
Idineklara ng Malacañang ang araw ng Lunes Setyembre 7 bilang non-working holiday kasabay nang kautusan na ilagay sa half mast ang mga watawat bilang pagpupugay sa yumaong INC leader. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending