MANILA, Philippines - Hindi na umabot sa nakatakdang pagkuha ng Board exams sa Nobyembre ang isang civil engineering graduate ng Borlongan, Samar, nang matagpuang patay sa tinutuluyang kaanak, sa Maynila, habang nagre-review, sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.
May ilang oras na umanong patay nang madiskubre ang biktimang si Dennis Baria, 34, binata, ng Borlongan, Samar at pansamantalang nakikituloy sa #559 T. Alonzo St., Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Det. Richard Lumbad ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 8:30 ng umaga nang gisingin ang biktima sa kanyang silid ng tiyuhing si Fidel Baria, 67, upang mag-almusal subalit patay na ito.
Sinabi ni Fidel na nakita niya dakong alas-11 ng gabi kamakalawa na nanonod ng TV ang pamangkin, kinabukasan nasilip niya na tulog ang biktima kaya di muna ginising subalit dakong alas-8 ng umaga nang balikan upang yayaing mag-almusal, nakita niyang nakahiga pa rin kaya nilapitan na at dito nadiskubreng hindi na humihinga nang yugyugin para magising.
Ayon sa ulat ni Lumbad, ang biktima ay lumuwas sa Maynila nitong Mayo upang mag-review sa pagkuha ng CE Board exam na nakatakda sa Nobyembre 2009.
Inaalam pa ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.