Pulisya Nagbabala, Salisi gang umaatake sa mga ospital
MANILA, Philippines - Nagbabala ang isang mataas na opisyal ng Quezon City Police sa mga pasyente ng mga ospital na mag-ingat laban sa nagkalat na miyembro ng “salisi gang” na nagkukunwaring pasyente na patuloy na nambibiktima ng mga kagamitan sa mga pasyente dito.
Aksyon ito ni Supt. Jesus Balingasa, hepe ng Kamuning Station 10 ng QCPD, matapos ang sunod-sunod na reklamong nakakarating sa kanilang tanggapan mula sa mga nabibiktimang pasyente ng iba’tibang ospital.
Kabilang na rito ang huling biktima na sina Regina Younis-Manalo, 26, call center representative; at Marlyn Manalo, 28, arkitekto; kapwa ng Espacio Bernardo Condominium, Champaca St., Brgy. Sauyo sa lungsod.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Delgado hospital sa may Kamuning St., Brgy. Kamuning sa lungsod noong Miyerkules ng ala-1 ng madaling-araw.
Sinasabing si Regina ang pasyente sa naturang ospital habang tagapagbantay naman nito si Marlyn kung saan nasa silid sila ng room 214-I.
Ang pagsalakay sa silid ng biktima ay naganap ilang oras makaraang magbigay babala ang mga security guard ng ospital na i-secure ang kanilang mga gamit. Ayon sa mga biktima, siniguro naman nilang maayos ang pagkakatago ng kanilang gamit nang sila ay matulog ngunit makalipas ng ilang oras nang magising ay nawawala na ang kanilang mga gamit.
Partikular na nakuha sa mga biktima ay isang unit ng laptop P50,000; wallet na may P1,000 at iba’t-ibang identification card; handbag na may lamang P60,000; at isang canon digital camera P20,000.(Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending