4 criminology student tiklo sa holdap
MANILA, Philippines - Apat na criminology student ang inaresto makaraang ireklamo ng isang nursing student na kanilang hinoldap at binugbog, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang mga suspek na sina Archie Suico, 19; Chito Enriquez, 19; Reggie Cardones, 21; pawang mga taga-Quezon City at si Silvestre Marinas, 21, ng Pasay City. Nabatid na pawang mga estudyante ng Philippine College of Criminology ang naturang mga suspek.
Positibo kinilala sila ng biktimang si John Patrick Aquino, residente ng Punta, Sta Ana, Manila na siyang mga gumulpi at nang-agaw sa kanyang bag na pinaglagyan niya ng cellphone at coin purse na may lamang P70 at mga personal na gamit.
Sa ulat ng Pasay Station Investigation & Detective Management Section, pauwi na si Aquino at kaibigang si Jerome Fallaria dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi mula sa Manila Adventist Medical Center kung saan sila nagi-intern bilang nursing student nang harangin umano ng apat na suspect sa may Donada St., malapit na sa kanto ng Gil Puyat Avenue.
Puwersahan umanong kinuha ng mga suspect ang bag ng biktima at nang pumalag ay pinagtulungan ng bugbugin. Nakatakbo naman si Fallaria at nakahingi ng tulong sa mga nagpapatrulyang pulis sa pangunguna ni PO3 Jonathan Bayot na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na estudyante matapos ang maigsing habulan.
Nakumpiska kina Suico at Marinas ang patalim na ginamit sa panghoholdap at nabawi rin sa kanila ang bag ni Aquino, pati na ang nakulimbat na cellphone.
Itinanggi naman ng apat na suspek ang bintang na panghoholdap sa kanila kung saan sinabi ng mga ito na isang suntukan umano ang naganap makaraang magkainitan dahil sa bungguan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending