MANILA, Philippines - Isang abogadong Ukranian na kararating pa lamang sa bansa ang dinukot ng tatlong hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki na nagpanggap na mga pulis, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Sa inisyal na ulat ni Pasay City police chief, Sr. Supt. Raul Petrasanta, dakong alas-6:45 ng gabi nang puwersahang tangayin ng mga suspek ang biktimang si Valerii Dashevsky sa may panulukan ng Roxas Boulevard at Cuneta Avenue, sa naturang lungsod.
Nabatid na kararating pa lamang ni Dashevsky sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sinundo nina Jonathan Nocos, 35, ng Greenville Subd., Sauyo, Quezon City at Edgar Eslera, 48, kapwa miyembro ng Kingdom of Christ.
Sakay ang tatlo ng isang Nissan Frontier (LDY-487) nang harangin ng mga suspek lulan ng isang Toyota Revo sa nabanggit na lugar.
Nagpakilala umano ang mga suspek na mga pulis kung saan nakasuot ang mga ito ng uniporme ng PNP at puwersahang ipinasok ang dayuhan at mga gamit nito sa Revo at pinasibad sa direksyon ng Parañaque City.
Napag-alaman na dadalo sana bilang bisita si Dashevsky sa anibersaryo ng “Kingdom of Jesus Christ” sa Davao City na ginanap kahapon.