Ex-Abra Governor Valera arestado na
MANILA, Philippines - Matapos ang halos 3 taong pagtatago, naaresto na ng pamunuan ng pulisya si ex-Abra Governor Vicente Valera sa kanyang tinutuluyan sa isang condominium sa lungsod ng Makati kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, si Valera ay inaresto ng tropa ng Task Force Bersamin sa pamumuno ni Supt. Franklin Moises Mabanag ng QCPD at Makati Police sa condominium unit ng Unit 3K, Hidalgo Towers sa Rockwell sa lungsod ganap na alas-10:30 ng gabi.
Kasama ni Valera sa naturang condo ang kanyang asawa at isang anak.
Si Valera ay inilagay sa wanted list matapos ang ipinalabas na warrant of arrest ng QC Regional Trial court sa kasong two counts of murder matapos masangkot sa pagpatay kay Abra Representative Luis Bersamin noong Disyembre 2006 sa lungsod Quezon.
Si Bersamin ay binaril at napatay noong Disyembre 16, 2006 matapos dumalo sa kasal ng kanyang kaanak sa may Mt. Carmel Church sa QC.
Kasama rin sa napatay sa insidente ang bodyguard ng gobernador na si SPO1 Adelfo Ortega, habang sugatan naman ang driver nito na si Allan Sawadan, at isang batang 15 taong gulang.
- Latest
- Trending