MANILA, Philippines - Mas maigting na seguridad ngayon ang nais na ipatupad ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng krimen ngayong pumasok na ang “Ber Months” na hudyat sa paglapit ng panahon ng Kapaskuhan.
Sa direktibang inilabas ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales, inatasan nito ang kanyang limang district directors, mga chief of police at station commanders ng pagpapaigting ng kampanya kontra krimen sa pamamagitan ng paglulunsad ng mas maraming checkpoints, police visibility at intelligence gathering.
Inaasahan kasi na tataas ang bilang ng mga “street crimes”.
Posible ring mag-umpisa ang mas malalaking operasyon ng mga sindikato ng robbery hold-up, carnapping, hijacking at kidnapping.
Sinabi ni Rosales na hindi lamang ang panahon ng Kapaskuhan ang kanilang pinaghahandaan kundi ang magaganap na halalan sa susunod na taon na posibleng maging ugat din ng paglaki ng bilang ng magaganap na krimen. (Danilo Garcia at Joy Cantos)