Van na-hijack
MANILA, Philippines - Tinatayang P1 milyong halaga ng mga cellular phones at cash ang iniulat na natangay ng limang armadong kalalakihang nakasuot ng uniporme ng pulis makaraang i-hijack ng mga ito ang isang Isuzu van sa lungsod ng Quezon, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Ferdinand Liwanag, 37, ng Baras Rizal; at Ramiro Casquejo Jr., ng Caloocan City; kapwa empleyado ng M2 Mobile Phone Incorporated.
Dakong alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa may Mindoro St., Project 8, Quezon City habang dala ng mga biktima ang isang Isuzu crosswind (MDX-333) na naglalaman ng 500 piraso ng mamahaling cellphone na idedeliber sana sa kanilang amo na si Michael Dollas sa Bago Bantay, Quezon City.
Hinarang sila ng mga suspek, iginapos ang mga biktima at kinontrol ang van. Pagsapit sa lungsod ng Caloocan, iniwan ang mga biktima bago tumakas tangay ang assorted cellphones, dalawang plastic bags ng cellphone at cash na umaabot sa P1 milyon ang halaga. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending